Holy Family Academy envisions a renewing school community that:
- is Christ-centered
- develops human wholeness and
- upholds the common good.
Matapos ang tatlong taon, masayang sinalubong ng komunidad ng Holy Family Academy ang pagsisimula ng klase para sa taong-aralang 2023-2024 kaninang umaga, Hulyo 18.
Bagama’t hindi nasunod ang petsa ng unang araw ng pasukan dahil sa pagkasuspende ng klase dulot ng masamang panahon, hindi ito nagsilbing hadlang upang ituloy ang welcome program na hatid ng paaralan para sa mga mag-aaral nito.
Nagsimula ang programa sa isang taimtim na pagdarasal. Sinundan ito ng welcome remarks ni Sister Mary Frances F. Dizon, OSB, at saka ipinakilala ang bawat guro at non-teaching personnel ng paaralan.
Napuno ng hiyawan at palakpakan ang bawat sulok ng covered court nang magpakitang gilas sa pagsayaw ang La Sagrada Familia, na sinabayan din ng Student Council sa pagtatapos ng kanilang pagtatanghal. Hindi rin naman nagpahuli ang mga guro ng HFA nang sila’y magtanghal sa pamamagitan ng pagsayaw at pagkanta.
Pahayag ni Maria Sophia Enriquez, isang mag-aaral sa ika-12 baitang, “talagang hindi malilimutan ang saya sa unang araw ng pasukan lalo na’t ito ang una matapos ang ilang taong nasa pandemya, at huling pagkakataon para maranasan nang harapan ang espesyal na araw na ito.”
Isinulat ni Nicole Lintag